TAYTAY, Rizal. Dead on arrival sa ospital ang isang sabungero matapos siyang saksakin ng kapwa sabungero nang tanggihan nitong magbigay ng balato matapos manalo sa sabong sa cockpit arena ng Brgy. San Juan, sa bayang ito sa Rizal, madaling araw ng kahapon.
Kinilala ang biktima na si Ricky Del Rosario, isang bihasang sabungero. Ayon sa mga awtoridad, si Del Rosario ay tinamaan ng malalim na saksak sa kaliwang bahagi ng katawan, na agad niyang ikinamatay.
Ang suspek, na kilala lamang sa alias na Mando at isang kilalang sugapa sa sabong, ay agad na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ng Taytay Police, nangyari ang pagpatay bandang 3:30 ng madaling araw habang kalalabas pa lamang ng biktima mula sa Taytay Cockpit Arena matapos manalo sa laban ng kanyang manok.
Ayon sa mga testigo, lumapit agad ang suspek kay Del Rosario at humingi ng balato ngunit tinanggihan ito ng biktima. Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa inundayan ng saksak ng suspek si Del Rosario.
Idineklarang dead-on-arrival si Del Rosario sa Rizal Medical Center.
Nagsasagawa ang mga awtoridad ng manhunt operation upang dakipin ang suspek at panagutin sa pagkamatay ni Del Rosario. Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon upang malaman ang buong detalye ng insidente.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.