Nagbabala ang Comelec laban sa mga sindikato sa halalan sa 2025

0
273

Nagbabala si Chairman Geroge Garcia ng Commission on Elections (Comelec) sa mga nagbabalak lumahok sa pambansang at lokal na halalan sa 2025 na mag ingat laban sa mga sindikatong humihingi ng pera sa kapalit ng “madaling panalo” sa paparating na eleksyon.

Ayon kay Garcia, sinusubaybayan ng Comelec ang ilang lugar sa Luzon at Mindanao kung saan may mga tao na nagpahayag na may mga kakilala mula sa Information Technology Department ng komisyon na humihingi ng hanggang P100 milyon para sa kanilang scheme.

“Sa mga kandidato, maging incumbent man o hindi, may mga sindikato na ngayon na kumakalat na nagsasabing kaya kayo’y panalunin sa loob lamang ng ilang minuto. Kahit itigil niyo na ang pagkampanya at hindi na mag-ikot-ikot, panalo na raw kayo,” pahayag ni Garcia sa DzBB.

Binanggit din ni Garcia na magtutulungan sila ng National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang nasabing isyu.

Nagpahayag din si Garcia ng suporta ng Comelec sa legal na proseso laban sa mga sindikato sakaling maaresto ang kanilang mga kasapi.

“Sana kapag may lumapit sa inyo na ganyan, arestuhin niyo agad at tutulong kaming i-prosecute ang mga taong ‘yan,” dagdag pa ni Garcia.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo