ATIMONAN, Quezon. Natagpuan ang bangkay ng isang 9-taong gulang na babae na hinihinalang ginahasa at pinatay saka isinilid sa sako kamakalawa ng hapon sa Barangay Zone 2 sa bayang ito.
Ayon sa ulat ni Pat. Mark Dave Villanueva ng Atimonan Police, ang biktima na itinago sa pangalang Mae ay natagpuan bandang 2:00 ng hapon ng isang nagngangalang Peter Aureada, 20-anyos na mangangalakal kasama ang isa pang 9-anyos na batang lalaki at ipinagbigay alam sa mga pulis.
Natuklasang walang pang-ibabang saplot ang batang biktima na palatandaan na siya ay pinagsamantalahan.
Gayunman, sa isinagawang backtracking ng pulisya at sa nakalap na CCTV camera na nakakabit sa Angeles Street ng nasabing barangay, nakita ni Pat. Villanueva sa video footage na magkasama sina Aureada at ang biktima habang naglalakad sa isang lugar bago natagpuang patay ang bata.
Bunsod nito, agad na inaresto ng mga pulis si Aureada.
Ayon sa pulisya, lumalabas na nagkunwaring concerned citizen si Aureada sa pamamagitan ng pag-uulat sa himpilan ng pulisya sa pagkakatagpo umano nito sa bangkay ng bata upang makaiwas sa krimen na kanyang ginawa.
Ang suspek ay ipinagharap na ng reklamong rape with homicide.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung paano pinaslang ang biktima samantalang nasa kustodya na ng MSWDO ang batang lalaking kasama ng suspek nang magtungo sa police station.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.