Sa pagdiriwang ng World TB Day, inaasahang may ambag lahat

0
561

Sa panahong kailangang kailangan nang masugpo ang tuberculosis, saka pa dumami ang mga kaso nito sa Pilipinas. Sapat ba ang ginagawa ng DOH ukol dito? Nakikiisa ba sa kanila ang mga tao at mga organisasyon? May malaking kinalaman ang ugali sa usapin.

Marapat ulitin: Panahon nang sugpuin – zero case kung maaari – ang TB.

Nakapupukaw ng atensyon ang dalawang balita kamakailan: Susi sa paggaling sa TB ang kalusugang pangkaisipan at umabot na sa pagkabahala ang DOH sa pagdami ng kaso ng sakit na ito.

Tayo naman dito sa Tutubi News Magazine mula 2021, naipabatid ng mga masisigasig kong kasamahan para sa kamalayan ng madlang mambabasa ang inilabas ng BIR na talaan ng gamot sa kanser, TB, atbp na exempted sa VAT; ang update ng FDA ukol rito at iba pang kahanay na impormasyon mula sa Senate committee on finance; ang Collaborative Research Call for Tuberculosis (CORE TB); at pagbanggit sa TB sa ilan pang mahahalagang usaping pangkalusugan.

“As of December 31, 2023, our new cases numbered 612,534. So, that’s about 549 cases per (a) hundred thousand population. That’s higher than in 2022,” diin ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa press conference noong Huwebes. Tanda niya noong 2022 na merong 439 kaso ng TB sa 100,000 katao ang nai-log sa bansa.

Sinusubukan pa lamang ng mga Pilipinong malagpasan ang pandemyang COVID-19, lumolobo naman ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit na TB. (Herbosa 2024)

Naatasan mismo ng Pangulo ang Kalihim na tugunan ang lumalalang sitwasyon gamit ang whole-of-society approach sa pakikilahok ng academe, development partners, at pribadong sektor. May pag-usad naman. Maging ang artificial intelligence (AI) ay nagagamit na sa mas mabilis na pag-alam kung merong TB ang pasyenteng ine-xray. Pinaigting na rin ang pag-uugnayan sa pagitan ng mga organisasyon at pamahalaan hinggil sa pangangalap at pagbibigay ng datos, sa pananaliksik, at sa pagpapabatid ng mahahalagang impormasyon sa publiko.

Dati nang hiniling na maparami ang community mobilizers na ang mga kalahok ay natatanong kung sino sa kanila ang maaaring maging community mobilizers, “with some key points: that there is no ‘ideal’ community mobilizer; that they put premium on attitudes, behaviors, and skills; and that they are committed to the community mobilization process.” (Mega Scene 2019)

Matapos opisyal na masertipikahan ng Guinness World Records ang Kagawaran ng Kalusugan sa Lungsod ng Maynila sa larangan ng paggawa ng pinakamalaking imahe ng baga gamit ang pinagsama-samang tao, muling binigyan ng kaukulang pansin ang tamang kamalayan sa sakit na TB at tuluyan nang mapahinto ang stigma o anumang pagtuligsa sa taong may sakit nito.

Ayon kay TBPeople Philippines founder Eloisa “Louie” Cepeda-Teng, nakapagpapalala rin ang diskriminasyon sa mga pasyente ng TB na humaharap na nga sa mga negatibong karanasan. Naiintindihan niya ito bilang mananagumpay sa sakit at kinalauna’y naging aktibo sa adbokasiya laban sa TB at malalimang nakikipag-ugnayan sa lokal at pandaigdigang samahan para labanan ang sakit na ito. (Team Asia 2021; SBS Australia 2015; GFAN 2015; TBPeople n.d.)

Siyam na taon ang nakalilipas nang hangaan ng mga kasamahan sa mundo ang mabuting pakikisama ni Louie, isang dating arkitekto, lalo na ang pagpapasimuno nila sa magagandang hangarin na may kalakip na aksyon nang maimbitahan sa International Union Against Tuberculosis and Lung Disease Asia-Pacific regional conference sa Sydney.

Sa paglagda nila sa isang kasunduan sa Manila Standard nitong Pebrero, kabilang sa nais ng organisasyong TBPeople ay maipalaganap ang mga mensahe ng pag-asa at katatagan sa mga pasyente gamit ang mga hashtag na #TibayNgBayanihangPinoy, #TBFreePH, at #YesWeCanEndTB.

Meron din palang kababayan nating napapagastos nang malaki sa kakulangan ng tamang impormasyon sa libreng gamutan. Sa isang pag-aaral noong 2022, lumalabas na meron mga pasyenteng naglalabas sa sarili nilang bulsa ng halagang aabot sa 30,000 piso sa kabila ng libreng serbisyo para mapagaling ang sakit nilang TB.

Nahaharap din sa pagkabalisa ang mga pasyente at may mga manggagamot na tanggap ang katotohanang may pagkukulang sila sa aspeto ng kalusugang pangkaisipan ng mga ginagamot sa TB.

Para rin daw isang “copandemic” na maihahalintulad sa mga taong dinapuan ng human immunodeficiency virus (HIV) ang pagkakasakit ng mga tao sa TB. May mga pag-aaral ding 3-6 beses na magkakaroon ng mental health disorders ang mga may sakit sa TB kumpara sa mga wala.

Ibig sabihin, ayon kay Secretary Herbosa, mapipigilan ang pagpapagamot sa hindi sakop na barangay kundi sa kung saan naninirahan ang isang “pinaninidirihan” (undesirable) kung walang takot, stigma o pagtuligsa ng mga kapitbahay sa pasyente.

Natumbok ng DILG website ang tamang punto ng pagdiriwang ngayong Linggo, Marso 24: “The theme of World TB Day 2024 – ‘Yes! We can end TB!’ – conveys a message of hope that getting back-on-track to turn the tide against the TB epidemic is possible through high level leadership, increased investments and faster uptake of new World Health Organization recommendations.”

Dahil nabanggit ang lideratong “high level”, idagdag na lang natin ang isang payo: Alamin ng sinumang nagmamalasakit sa kapwa Pilipino ang tamang kaalaman kung paano makatutulong sa paglaban sa sakit na TB. Katulad ng naitalakay sa taas, hindi kailangan ng pera sa pagiging matulungin dahil sapat na ang pagpapataas ng kaalaman sa pagtulong.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.