Pastor na nanutok ng baril sa road rage, nakulong na

0
174

RODRIGUEZ, Rizal. Inaresto ng mga pulis ng Rodriguez Municipal Police Station ang isang 59-anyos na pastor matapos ang insidente ng road rage noong Marso 16, kung saan siya ay bumunot ng baril at nagbanta sa isa pang motorista, ayon sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO).

Kinilala ng pulisya ang suspek na si “Genaro,” isang residente ng Rodriguez, Rizal.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay ng biktimang isang 44-anyos na call center agent ang kanyang motorsiklo sa Mayon Avenue Extension, sila ay muntik nang magbanggaan ng sasakyan na minamaneho ni Genaro na isang Hyundai Veloster. Dahil dito, bumaba ang suspek sa kanyang sasakyan at bumunot ng baril at tinutukan ang biktima.

Pagkatapos na itutok ang baril sa biktima, tumakas si Genaro papunta sa direksyon ng Sub-urban Village sa Barangay San Juan.

Ayon sa ulat, agad humingi ng tulong sa pulisya ang biktima na humantong sa pag-aresto kay Genaro sa isinagawang follow-up operation.

Natagpuan sa suspek ang isang .45 caliber pistol na may dalawang magazine at 39 piraso ng live ammunition.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Rodriguez Municipal Police Station at nahaharap sa mga kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.