Putol na katawan ng lalaki, natagpuan sa Calax

0
191

SILANG, Cavite. Ipinag utos ni Police BGeneral Paul Kenneth Lucas, direktor ng Police Regional Office Calabarzon, ang agarang imbestigasyon hinggil sa natagpuang katawan ng tao sa isang expressway sa Cavite na walang ulo, kamay, at paa.

Batay sa ulat na natanggap ng PNP Region 4 Intelligence Division, nakita ng ilang motorista ang katawan sa bahagi ng Barangay Kaong, Silang, Cavite, bandang 6:00 ng gabi kahapon.

Ayon kay Police Captain Connie Susmerano, ang katawan na walang ulo ay natagpuan sa may daang patubig ng expressway sa nabanggit na lugar. Ito ay nakabalot sa itim na garbage bag, at ang tanging tanda sa katawan ay isang tattoo sa kaliwang dibdib na may tatak na “Hasmin” at yinyang logo.

Sa pagsusuri ng mga pulis sa bangkay, natukoy na ang biktima ay isang lalaki at may maputing kutis. May mga sugat ito sa buong katawan at inaalam pa kung ito ay sinaksak o binaril.

Ayon sa mga awtoridad, malaki ang posibilidad na ang katawan ay itinapon lamang sa expressway upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.

Masusing imbestigasyon ang kasalukuyang isinasagawa upang kilalanin ang biktima at mahanap ang mga suspek sa likod ng pagpatay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.