Raid sa Batangas, nauwi sa barilan: Wanted sa robbery, patay

0
242

LEMERY, Batangas. Nauwi sa shootout ang ikinasang raid ng pulisya laban sa isang wanted na miyembro ng robbery gang matapos itong manlaban at tuluyang mapatay noong nakaraang gabi sa Brgy. Matingain I, bayang ito.

Patay ang suspek na kinilalang si alyas Kelly, 28-anyos na residente ng nasabing lugar, matapos tamaan ng bala sa katawan.

Sa ulat ng pulisya, alas-7:15 ng gabi nang ihain ang warrant of arrest ng grupo ng District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) ng Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni Police Major Jervies Soriano laban sa suspek.

Bitbit ang nasabing warrant para sa dalawang kaso ng “robbery” na inisyu ng Regional Trial Court Branch 161 at RTC Branch 268 sa Pasig City, sinalakay ng raiding team ang tahanan ng suspek sa Brgy. Matingain I, Lemery.

Gayunman, bago pa man makarating ang mga pulis sa bahay ng suspek, sinalubong na sila ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa suspek bago ito tumakbo.

Dito nagsimula ang palitan ng putok at habulan na tumagal ng ilang minuto hanggang sa mapatay ang suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.