‘Freemasonry’ magdaraos ng 3-araw na Annual Communication

0
276

Nagpapahayag ng malakihang pagpupulong ang mga opisyal at miyembro ng Freemasonry, The Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines.

Ayon sa ulat, ang 106th Annual Communication o ANCOM ng mga Mason ay nakatakdang ganapin sa Abril 25-27, 2024 sa Clark, Pampanga.

Ang 106th ANCOM, na may tatlong araw na kaganapan, ay itinuturing na pinakamalaking pagtitipon ng mga Mason. Inaasahan na dadaluhan ito ng humigit-kumulang na 10,000 kasapi mula sa 436 Lodges at 63 Masonic Districts sa bansa.

Kabilang sa mga rehistradong kalahok ang mga opisyal at kasapi mula sa ibang bansa; mga kinatawan mula sa Appendant Bodies, Allied Masonic Degrees, at Sojourner Clubs; kasama rin ang mga kapamilya at kaibigan ng mga Mason.

Ang ANCOM, na ginaganap tuwing ikaapat na Huwebes ng Abril taun-taon, ay isang mahalagang bahagi ng tradisyon ng mga Mason. Dito nagkakaroon ng pagkakataon ang mga Freemasons na talakayin ang mga “values and principles” na mahalaga sa kanilang kapatiran.

Bukod dito, ito rin ay isang pagkakataon para sa mga kasapi na higit pang maunawaan ang kanilang organisasyon, makilala ang iba pang mga kapatid na Mason, at maging saksi sa mga pangyayari na huhubog sa kinabukasan ng Grand Lodge of the Philippines sa sesyon ng plenaryo.

Ang Freemasonry ay isang kapatirang kapisanan na may mga pinagmulan sa mga samahan ng mga stonemasons mula pa noong middle ages. Layunin nito ang magbigay ng sistema ng moral at etikal upang mapaunlad ang sarili, makibahagi sa komunidad, at makisali sa lipunan.

Ang internasyonal na samahang ito, na may mga lohiya sa iba’t ibang bansa, ay may mahalagang papel sa kasaysayan at kultura ng iba’t ibang lipunan.

Itinatag ang Grand Lodge of the Philippines noong ika-19 ng Disyembre 1912, 111 taon na ang nakalilipas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.