4-anyos nahulog mula 27th floor ng condo, patay

0
274

CEBU CITY. Isang malagim na trahedya ang nangyari sa isang 4-anyos na batang lalaki matapos itong mahulog mula sa ika-27 na palapag ng condominium, na agad niyang ikinamatay sa lungsod na ito kaninang umaga.

Ayon sa mga ulat, ang bata ay isinugod agad sa ospital ngunit hindi na ito na-save ng mga doktor.

Naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa Median Condominium sa La Guardia Extension, Brgy. Lahug, Cebu City.

Sa inisyal na imbestigasyon, nahulog ang biktima sa canopy sa ikatlong palapag matapos mahulog mula sa 27-palapag ng gusali.

Batay sa mga kuwento, iniwan umano ng ina ang bata sa kanilang condo unit upang kumuha ng kape. Akala ng ina, natutulog lamang ang anak kasama ang kanyang kapatid subalit nang bumalik ito, wala na ang 4-anyos na bata.

Napag alaman na naglakad ang bata patungo sa balkonahe ng kanilang condo unit at umakyat sa silya at biglang nahulog.

Kasalukuyan ding isinasagawa ng pulisya at Citrineland Corp, ang may-ari ng condominium, ang imbestigasyon upang tiyakin ang sanhi ng insidente.

“The management is deeply shocked and saddened by this recent incident as our thoughts and prayers go out to the family of the child,” pahayag ng management ng high-rise condo.

Tiniyak din ng pamunuan ng condo ang kanilang suporta at tulong sa pamilya ng biktima sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.