Pagsakay ng Pinoy seafarers sa mga barkong maglalayag sa Red Sea, Gulf of Aden, hindi na papayagan

0
382

MAYNILA. Ipinagbawal na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagsakay ng mga Filipino seafarers sa mga barkong maglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden, isang hakbang upang mapanatili ang kanilang kaligtasan.

Batay sa Department Order No.2 na nilagdaan ni DMW officer-in-charge na si Hans Leo Cacdac, lahat ng Filipino seafarers na nasa empleyo para sa passenger at cruise ships ay hindi pinahihintulutan na maglayag sa dalawang nabanggit na bahagi ng karagatan, na kamakailan lamang ay idineklara bilang high-risk areas at war-like zone.

Sa ilalim ng naturang kautusan, kinakailangan ng mga lisensyadong manning agencies (LMAs) na pumirma ng affirmation letter na nagsasaad na ang mga barko na may sakay na Filipino seafarers ay hindi dadaan sa Red Sea o sa Gulf of Aden. Gayundin, ang mga Filipino seafarers na nasa listahan bilang crew members ay kailangang pumirma ng ganitong affirmation letter na nagpapatunay na ang kanilang sasakyang pandagat ay hindi rin dadaan sa nabanggit na mga lugar.

Ang mga dokumentong ito, kasama ang detalyadong itinerary ng sasakyang pandagat, ay kailangang isumite sa DMW sa oras ng dokumentasyon ng mga kontrata sa pagtatrabaho ng mga tripulante o bago ang kanilang deployment.

Ayon sa pahayag ng DMW, layunin ng kanilang ahensya na pangalagaan ang kaligtasan ng mga Filipino seafarers sa pamamagitan ng mga hakbang na ito.

Bukod dito, hiniling din sa mga LMAs na bigyan ng tamang pagtugon ang mga marino na nagpapahayag ng kanilang layunin na tumanggi sa paglalayag sa mga lugar na itinuturing na may mataas na panganib at mga warlike zones. Kabilang dito ang pagbibigay ng sapat na kompensasyon at mga hakbang sa seguridad para sa kanilang kaligtasan.

Ang pagpapauwi ng mga seafarers sa Pilipinas, sakaling magpasya silang hindi tumuloy sa paglalayag, ay kinakailangang asikasuhin ng mga manning agencies ng maayos at maagap.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.