Negosyante patay sa brutal na akyat-bahay sa Cavite

0
298

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Patay ang isang kilalang negosyante matapos nakawan at tadtarin ng saksak ng tatlong hinihinalang miyembro ng “akyat-bahay gang” sa loob mismo ng kanyang bahay sa Dasmariñas City, Cavite.

Ang biktima, na kinilala sa alyas na Wil at residente ng Chester Place Subdivision sa Brgy. Burol-Main, ay natagpuang patay sa kanyang tahanan kasama ang kanyang asawa na si alyas Annie.

Naganap ang krimen bandang 2:40 ng madaling araw sa loob mismo ng bahay ng biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon na habang sakay ang biktima ng kaniyang Toyota Hilux Conquest 2020 na papasok na ng kanyang bahay at magpa-park na sa kanilang parking area nang biglang sumulpot ang tatlong suspek saka siya mabilis na sinunggaban at pilit na sumakay sa sasakyan nito.

Sa loob ng bahay, binitbit ng mga suspek ang biktima at ang kanyang misis. Hinalughog nila ang bahay at nilimas ang nasa P1.8 milyong cash, mga mamahaling alahas, at iba pang mahahalagang gamit. Pagkatapos ay pinagsaksak nila ang negosyante bago tumakas gamit ang sasakyan ng biktima.

Matapos ang insidente, agad humingi ng tulong ang nakagapos na misis at dinala sa ospital ang biktima. Ngunit dahil sa dami ng saksak sa kanyang katawan, idineklarang dead-on-arrival ang negosyante.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Dasmariñas Police upang matukoy at madakip ang mga salarin sa brutal na akyat-bahay na ito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.