Maaaring makaranas ng pagkaantala ang inaasahang pagdating ng tag-ulan sa bansa dahil sa impluwensya ng El Niño phenomenon o panahon ng tagtuyot, ayon sa PAGASA.
Karaniwang inaasahang papasok na ang tag-ulan sa huling linggo ng Mayo o unang lingo ng Hunyo, ngunit dahil sa epekto ng El Niño, maaaring magkaroon ng pagkaantala sa naturang panahon, ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
May tinatayang posibilidad rin na sa oras na maglaho ang panahon ng El Niño, maaaring harapin naman ng bansa ang pagpasok ng La Niña, na magdadala naman ng maulang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin ni Dra. Ana Solis, hepe ng Departamento ng Climatology ng PAGASA, ang kahalagahan ng paghahanda ng publiko sa anumang kondisyon ng panahon na maaaring maranasan upang mapangalagaan ang sarili at maiwasan ang anumang pinsalang maaaring idulot nito sa mamamayan at sa kapaligiran.
Samantala, iniulat ng PAGASA na umabot sa 16 na lugar ang nagtala ng pinakamataas na heat index o ang matinding init na nararamdaman sa katawan.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Aparri, Cagayan na umabot sa 48°C; Dagupan, Pangasinan na umabot sa 47°C; Virac, Catanduanes na umabot sa 45°C; Laoag, Ilocos Norte at Bocnotan, La Union na umabot sa 44°C; habang 43°C naman sa Masbate City at Tuguegarao City.
Nagtala rin ng 41°C sa Pasay City at 40°C sa Quezon City.
Nauna nang ipinaalala ng PAGASA ang kahalagahan ng kaalaman ng publiko sa heat index sa kanilang mga lugar, pati na rin ang mga sintomas ng epekto ng mataas na init sa katawan upang maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke na maaaring dulot ng labis na pag-expose sa matinding init ng araw.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo