Lalaki pinatay ng live-in partner habang natutulog

0
323

LEGAZPI CITY, Albay. Hindi na nagising ang isang mister matapos saksakin ng kanyang live-in partner habang ito’y natutulog sa duyan sa labas ng kanilang tahanan sa Purok-5, Brgy. San Francisco, lungsod na ito.

Kinilala ang biktima na si Alvin, 56 anyos, na nagtamo ng malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kanyang ikinamatay. Samantala, ang suspek naman na si Teresa, 39, na kasintahan ng biktima, ay kasalukuyang nasa kustodya ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat, nag-ugat ang trahedya mula sa pagseselos ni Alvin sa aktibidad ng kanyang kasintahan sa social media, partikular sa kanyang pakikipag-chat sa ibang lalaki sa Facebook. Lumabas pa sa imbestigasyon na nagkaroon ng alitan ang magkasintahan matapos dumalo sa isang inuman sa kanilang lugar.

Hanggang makauwi ang dalawa ay inaway pa rin ni Alvin ang kanyang kasintahan at sinuntok pa sa mukha at nagbabala na papatayin niya ito kapag nahuling may kalaguyo.

Hindi nakipagtalo si Teresa. Maya maya pa ay lumabas ang lalaki at humiga sa duyan sa labas ng kanilang bahay.

Nang matiyak ni Teresa na tulog na ang kanyang kasintahan,  kumuha siya ng mahabang kutsilyo sa kusina saka nilapitan at inundayan ng sunud-sunod na saksak si Alvin hanggang sa mahulog ang bangkay sa duyan.

Matapos ang pagpatay sa live-in partner, kusang sumuko ang babae sa rumespondeng mga barangay tanod at kay Brgy Chairman Ronaldo Aringo at sila na ang nagturn-over sa mga pulis kasama ang kutsilyong ginamit sa krimen.

Sinubukan pang isinugod sa Legazpi City Hospital ang biktima pero idineklarang dead-on-arrival.

Inihahanda na ngayon ang kasong murder laban sa nakakulong na live-in partner.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.