Mahigit 4.2 milyong botante, binura sa listahan ng Comelec

0
175

MAYNILA. Inalis na sa opisyal na listahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mahigit na 4.2 milyong rehistradong botante dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Ayon sa datos na inilabas ni Comelec Chairman George Erwin Garcia noong Mayo 16, 2023, kabuuang 4,239,483 botante ang aalisin mula sa voter’s list. “4.2M voters will be deactivated. Hence deductible to the present total no. of voters of 68M,” pahayag ni Garcia sa mga mamamahayag.

Sa nasabing bilang, ang pinakamalaking bahagi ng idi-deactivate ay dahil sa hindi pagboto sa dalawang magkasunod na halalan, na umabot sa 4,237,054 botante. Kasama rin sa aalisin ang 1,829 botante na “excluded per court order,” 595 na hindi nakapag-validate ng kanilang rehistro, tatlong nawalan ng Filipino citizenship, at dalawang napatawan ng pinal na sentensya ng hukuman.

Ang pinakamalaking bilang ng mga idi-deactivate na botante ay nasa Region 4A (Calabarzon) na umabot sa 733,903, at Region 3 (Central Luzon) na may 503,297 na botante.

Patuloy ang Comelec sa kanilang kampanya para siguraduhin ang pagiging tapat at maayos ng voter’s list ng bansa, na kasalukuyang may 68 milyong rehistradong botante.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo