Ang paminta ay parang pag ibig, buo at puro talaga

0
1374

Maraming food scholars ang nagsasabi na ang Filipino cuisine ay maraming mukha. Siguro ay dahil sinakop tayo ng Espanya, Hapon at Amerikano.  Bukod pa ang iba’t ibang lahi na nakahalubilo natin. Gaya na lamang ng Pansit na pagkain Tsino.  Sa katunayan ay gumawa din ako ng sarili kong version ng pansit na kung tawagin ko ay Pansit Kalabuko.  Sagana ito sa sangkap kung kaya ito ay malasa, malinamnam at masarap na swak sa panlasang pinoy. Hindi mawawala ang native na paminta sa aking Pansit Kalabuko. Mas malasa kasi ito kaysa ibang variety ng paminta na nabibili sa palengke. 

Kinagisnan  na natin sa ating pagluluto ang paggamit ng paminta. Ito ang nagbibigay ng kumpletong lasa sa maraming putahe na niluluto ng ating mga nanay at tatay. Tinagurian itong king of spices dahil mahalagang sangkap ito kahit saang panig ng mundo. 

Noong panahon ng medieval,  ang “Piper Nigrum,” black pepper o paminta ay tinawag na “black gold” dahil sa taas ng halaga nito, na kadalasang ginagamit na pang regalo sa mga hari.  Mga hari at mga royalty o yung mga dugong bughaw lamang ang nakakabili at nakagagamit nito. Napakamahal noon ng presyo ng paminta, katunayan ginamit din ito bilang “currency ”  o pera sa ilang lugar sa Europa. Ginamit din itong dote at pambayad sa tax.

Spices ang epicenter ng world economy noong 25th century. Ito ang pinaka importanteng commodity noon kagaya ng langis ngayon. Napakahalaga ng paminta bilang pampalasa at sangkap sa pag-iimbak ng pagkain pati na rin ang pagtatakip ng lasa ng karne na hindi na sariwa.  

Bago pa man maglayag si Magellan noong 1519 upang maghanap ng spices, ang paminta ay kinakalakal na ng mga Tsino at Malay mula sa Moluccas na ngayon ay bahagi ng Indonesia papunta sa India. Nakakarating ito sa Europa gamit ang mga trade routes kagaya ng Silk Road.

Puro ang paminta sa mga binanggit kong panahon. Sa kasalukuyan, nakakasigurado ba tayo na puro ang pamintang ginagamit natin sa araw araw na pagluluto? Nakakalungkot pero kadalasan ay may halong buto ng papaya ang pamintang nabibili sa merkado. Hindi tuloy natin makamit ang kumpletong lasa ng ginisa, kaldereta, bulanglang at afritada na biyaya ng buto ng paminta. Kaya’t higit na mainam kung magtatanim tayo ng sariling puno ng paminta. 

Kalimitan ang paminta ay itinatanim sa tabi ng puno ng kape, cacao, madre cacao, malunggay at iba pa. Pwede ring gumagamit ng tuod o mga pillars na yari sa semento. Nabubuhay ito sa halos lahat ng uri ng lupa. Gayunpaman, bagay ito sa loose at well-drained soil. Ang perennial vine na ito ay hiyang sa humid climate na may 100 hanggang 250cm na rainfall at elevation na 350 meters above sea level. Maaari itong itanim mula sa buto o sa cuttings.

Marami na tayong kasamahan sa farming na aktibo sa pagtatanim ng paminta. Sila ang mga stakeholders at mga farmers na matatagpuan sa Batangas. 

Kung may sarili kang puno ng paminta, makatitiyak ka na puro ang gagamitin mo sa iyong pagluluto. Ok din na pagdagdag kita ito dahil laging maganda ang presyo ng paminta sa merkado.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.