DepEd dumepensa sa bagong awards system: Nagbawas ng pressure at kompetisyon sa mga mag-aaral

0
141

MAYNILA. Iginiit ng Department of Education (DepEd) na ang bagong awards at recognition system na ipinatutupad sa mga paaralan ay nag-aalis ng “pressure” at kompetisyon sa mga mag-aaral, at tinutulungan silang tutukan ang sarili nilang academic excellence.

Ito ay kasunod ng pag-viral ng isang post sa social media na tila tumataas ang bilang ng mga estudyanteng nabibigyan ng academic awards, habang ang Pilipinas ay nananatiling mahina sa 2023 Program for International Student Assessment (PISA).

“Iba naman ang parameters na ginagamit ng PISA when it comes to determining the scores of the countries. Iba rin naman ang parameters ang ginagamit natin for the awards and recognition sa schools based on achievements. So hindi natin pwede i-compare iyong results ng ating classroom performances with that of international large-scale assessments,” ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas.

Sa kasalukuyang awards system na ipinatutupad mula nang magsimula ang K to 12 program, inalis na ang mga titulong “valedictorian”, “salutatorian” at “honorary mentions” na limitado lamang sa 10 estudyante sa klase o batch. Ang mga estudyanteng may average grade na 90 hanggang 94 ay awtomatikong nabibigyan ng “with honors” award, “with high honors” para sa 95 hanggang 97, at “with highest honors” para sa mga estudyanteng nakaabot sa 98 hanggang 100 average grade.

“Kapag mayroon tayong valedictorian at salutatorian, the learners are competing with other learners, but with the new grading system, or awards system you are competing with yourself and kung nami-meet mo ang standard then you will be recognized,” ayon pa rin kay Bringas. “Iyong ganitong awards system it really highly encourages our learners to strive. It is more inclusive dahil hindi na siya nagiging limited to just the top 10 in the class,” dagdag niya.

Samantala, naniniwala naman ang Teachers Dignity Coalition (TDC) na kailangang repasuhin ang kasalukuyang awarding system. Sinabi ni TDC Chairperson Benjo Basas na habang ang awarding mechanism ay naghihikayat sa mga estudyante na tutukan ang kanilang pansariling academic excellence, “there is no uniformity or solid standard in the giving of grades.”

“Ang ating mga teacher at ang ating mga school ay binababa ang standard nila o di kaya ay nagbibigay ng kaunting kunsiderasyon doon sa mga bata kasi siyempre kapag iyong bata nakikita po na nagsisikap tapos parang deserving naman siya na i-reward,” ani Basas.

“Ang grades ng bata hindi lang naman nanggagaling sa exam, hindi lang naman iyan galing sa paper and pencil test, mayroon din naman diyang subjective. Halimbawa, iyong performance ng mga bata sa pagsusulat, iyong physical performance tulad ng pag-arte, at iba pa,” dagdag ni Basas. “Ang problema dito, kada isang lokalidad, isang eskwelahan maaaring mag-iba. Nagba-vary po ang appreciation ng ating teacher.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo