Bagong patakaran ng Comelec sa kampanyahan sa Halalan 2025

0
258

MAYNILA. Magpapatupad ng bagong requirement ang Commission on Elections (Comelec) sa pangangampanya ng mga kandidato para sa midterm elections sa 2025.

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na iminungkahi niya na ang mga kandidato ay dapat magsumite ng pinakabagong litrato o kuha sa loob ng anim na buwan bago ang paghahain ng kandidatura, na gagamitin bilang larawan sa kanilang campaign posters. Nilinaw ni Garcia na hindi ito requirement sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

“Non-compliance will merit the declaration that these are illegal campaign materials carrying with it appropriate sanctions against the candidate/s. Take note and very important, this is not a requirement for the filing of Certificate of Candidacy (COC), but a requirement for the conduct of the campaign,” ani Garcia.

Ang paghahain ng COC ay itinakda mula Oktubre 1-8, 2024. Ang campaign period para sa mga national bets ay mula Pebrero 11 hanggang Mayo 10, 2025, o 90 araw bago ang halalan, habang ang campaign period para sa mga local bets ay mula Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025, o 45 araw bago ang halalan.

Kasabay nito, isusulong ng Comelec ang “environmentally compliant” na 2025 national at local elections sa pamamagitan ng paggamit ng biodegradable campaign materials. Bukod pa rito, dapat ding maiwasan ang sobrang ingay sa panahon ng kampanya upang mabawasan ang noise pollution.

Magdaraos ng public consultation ang komite para sa pagbalangkas ng alituntunin na dadaan sa pag-apruba ng Comelec en banc.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.