Lalaki nagtangkang manloob sa kantina, patay sa security guard

0
165

ANTIPOLO CITY, Rizal. Nabaril at napatay ng isang guwardiya ang isang lalaking umano’y pumasok at nagtangkang manloob sa kanyang binabantayang kantina sa lungosd na ito kamakalawa.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek habang nasa kustodya na ng mga awtoridad ang guwardiya na kinilala lang sa alyas na “Joey”.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Antipolo City Police na alas-4:50 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Lutong Bahay Canteen, sa XRC Buil­ding, East Kamias, Brgy. Sta. Cruz, sa Antipolo City.

Pinasok umano ng lalaki ang kantina at naaktuhan naman siya ng guwardiya kaya kaagad na inutusan upang lumabas.

Sa halip na lumabas, tinangka pa umano ng lalaki na manlaban at sugurin ang guwardiya kaya dito na niya pinaputukan ng kanyang .9mm service firearm.

Nagtamo ng tama ng bala sa panga ang lalaki at agad na isinugod sa Antipolo District Hospital ng mga rumespondeng miyembro ng Sta. Cruz Rescue ngunit idineklarang patay ng mga doktor.

Inaresto naman ang guwardya at dinala ng mga tauhan ng Police Community Precinct 2 (PCP-2) ng Antipolo Component City Police Station, sa presinto upang maimbestigahan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.