74-anyos na Pinay patay matapos itulak ng palaboy sa tren sa San Francisco

0
200

SAN FRANCISCO. Isang 74-anyos na Filipina, si Corazon Dandan, ang nasawi matapos itulak ng isang palaboy habang naghihintay ng tren sa BART Powell Station sa San Francisco, California.

Ayon sa BART Police, itinulak ng suspek na si Trevor Belmont, alyas Hoak Taing, si Dandan habang papalapit ang tren, dahilan para tumama ang ulo ng biktima sa umaandar na tren bago ito nahulog sa platform. Agad na dinala si Dandan sa San Francisco General Hospital ngunit pumanaw kalaunan dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Agad ding inaresto ang suspek at sasampahan ng mga kasong murder at elder abuse. Si Dandan, isang telephone operator sa Parc 55 Hotel sa Union Square, ay pauwi na sana sa Daly City nang maganap ang insidente bandang alas-onse ng gabi noong Lunes.

Kilala si Dandan sa kanyang dedikasyon sa trabaho kahit na siya ay nagretiro na. Sa kabila ng trahedya, tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Dandan habang pinoproseso pa nila ang malagim na pangyayari. Humiling din ang pamilya ng privacy habang sila ay nagdadalamhati.

Samantala, kinondena ng Filipino community sa San Francisco ang insidente at nanawagan ng mas mahigpit na seguridad sa lahat ng pampublikong lugar.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.