POPCOM nagtataguyod ng’ ‘living wage,’ ng pamilya, hindi minimum pay lang

0
404

Habang ang family planning ay patuloy na lumalakas sa buong bansa, at ang laki ng pamilya ay tumatag sa dalawa hanggang tatlong anak, ang gobyerno ng Pilipinas ay dapat na ngayong bumaling sa iba pang mahahalagang aspeto ng pag-unlad ng populasyon ng bansa—lalo na ang “living wages” na kinakailangan ng mga magulang upang matupad ang kanilang tungkulin bilang responsableng mga pinuno ng kanilang pamilya. Ito ang posisyon ni Undersecretary Juan Antonio A. Perez III, MD, MPH, habang ipinagdiriwang ng bansa ang Population and Development (POPDEV) Week mula Nobyembre 23 hanggang 29.

Ayon sa kanya, panahon na upang ituon ng mga Pilipino ang kanilang atensyon sa pag-aalaga ng mga pamilya na hindi lamang upang magkakaroon ng sapat na pagkain at iba pang pangangailangan. Kailangan din nilang tiyakin ang mas magandang bukas para sa kanilang mga anak, hindi lamang upang mabuhay, kundi upang makaipon din para sa kanilang kinabukasan.

Kamakailan, isiniwalat ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang isang pag-aaral sa mga kita na kailangan ng mga pamilya upang mabuhay at umunlad sa iba’t ibang rehiyon. Para matamo ng Pilipinas ang demographic dividend nito sa 2025, ibinunyag ng ahensya na hindi bababa sa isang milyon pang kababaihan ang kailangang sumali sa family planning program ng bansa, na kasalukuyang dumadami ng kalahating milyon bawat taon.

Sinabi nito na ang target na 2.1 fertility o mas mababa ay nakamit na sa CALABARZON at sa National Capital Region (NCR). Gayunpaman, karamihan sa mga rehiyon ay mayroong tatlong anak sa pamilya, kasama ang Rehiyon ng Bangsamoro na may apat.

Ayon sa ahensya, lumalala ang sitwasyon sa labas ng NCR at CALABARZON: Ang pag-aaral ng POPCOM-United Nations Population Fund (UNFPA)-University of the Philippines Population Institute (UPPI) ay nagpakita na sa Bangsamoro, ang mga mag-asawa ay kailangang magkaroon ng apat na trabaho sa kasalukuyang halaga ng sahod upang suportahan ang apat na anak. Sa ibang rehiyon tulad ng Zamboanga Peninsula, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, MIMAROPA, SOCCSKSARGEN at Davao, ang mga pamilyang may tatlong anak ay nangangailangan ng tatlong trabaho na sumasahod ng minimum wage upang mabuhay.

“To survive the current crisis, Filipino families need to stabilize at an average of two children and have incomes that improve the quality of their lives—not just minimum wages which do not allow for savings. In NCR, the current regional wage rates require both parents to work,” ayon kay Perez.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.