“West Philippine Sea, atin ito’ — Pangulong Marcos ipinaglaban ang pagmamay-ari sa kanyang SONA

0
153

MAYNILA. Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na ginanap sa Batasang Pambansa kahapon, mariing ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tiyak na pagmamay-ari ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Ang West Philippine Sea ay hindi isang kathang-isip natin lamang. Ito ay atin. At ito ay mananatiling atin, hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating mahal na bansang Pilipinas,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati.

Ayon sa Pangulo, sa kabila ng mga isyu ukol sa territorial sovereignty, patuloy na igiginiit ng gobyerno ang karapatan at interes ng bansa. Sinabi niya na ang paggamit ng diplomatic channels at mekanismo sa ilalim ng rules-based international order ay ang tanging katanggap-tanggap na paraan upang maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan.

Patuloy din aniya ang gobyerno sa paghahanap ng paraan upang mabawasan ang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo, nang hindi isinasantabi ang posisyon at prinsipyo ng bansa.

“The Philippines cannot yield. The Philippines cannot waver,” diin pa ng Pangulo.

Dagdag pa niya, ngayon ay nagkakaroon na ng mas mataas na kamalayan ang mga Filipino sa pagbabantay sa ating aerial at maritime domain. Kaya’t patuloy ang pagpapalakas ng depensa ng bansa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga bansang may katulad na mithiin.

Inilatag din ng Pangulo ang importansya ng mga batas tulad ng Maritime Zones at Archipelagic Sea Lanes na nagsisiguro sa mandato at magtatatag sa puso at isipan ng mga mamamayan.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nagpasalamat ang Pangulo sa buong Sandatahang Lakas, Coast Guard, at mga mangingisda sa West Philippine Sea. Ang kanyang pahayag ay nagdulot ng sigawan at standing ovation mula sa mga bisita sa plenaryo ng Kamara.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.