Mag-asawa, pinatay sa pukpok at itinapon sa bundok sa Batangas

0
153

STO. TOMAS CITY, Batangas. Natagpuang patay ang isang mag asawa sa bulubundukin ng Sitio Capos, Barangay San Rafael sa Sto. Tomas City, Batangas noong Lunes ng umaga.

Kinilala lamang ng pulisya ang mga biktima na sina alyas “Edgardo,” 20, construction at piggery worker, at misis niyang si alyas “Kathleen,” parehong residente ng Barangay San Rafael, Sto. Tomas, Batangas. Ang kanilang mga bangkay ay natuklasan ng saksing si Rustom Morano dakong 9:20 ng umaga sa nasabing lugar.

Ayon kay Lt. Col. Jun Lunar, hepe ng pulisya ng Sto. Tomas City, pinatay ang mga biktima gamit ang isang matigas na bagay. “Pinagpapalo sa kanilang ulo ang mga biktima saka itinapon ng mga suspek ang kanilang mga bangkay sa bulubunduking bahagi ng sitio upang iligaw ang imbestigasyon at itago ang krimen,” paliwanag ni Lunar.

Idinagdag ni Lunar na isa sa mga suspek na kinilala lamang sa alyas “Jano,” 30, construction at piggery worker, ay naaresto sa hot pursuit operation sa bahay ng kanyang katrabaho sa Barangay San Antonio noong Lunes ng gabi. Ang kasabwat ni Jano na si alyas “Toto” ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

“Nasa loob na ng bahay ang suspek (Jano) nang dumating si Edgardo (biktima). Pagkatapos, agad na hinampas ng suspek na armado ng matigas na bagay ang likod ng ulo ng biktima habang si Kathleen na nakitang nakahandusay ang kanyang kinakasama ay sinubukan nitong tulungan. Gayunpaman, pinalo rin siya sa ulo ng suspek; pareho silang nasawi,” ani Lunar.

Ang mga bangkay ng mag-asawa ay binalot ng malaking nylon cover ng suspek at ng kanyang kasabwat bago itinapon sa bulubunduking lugar. Sinabi ni Lunar na may kinalaman sa trabaho o selos ang motibo sa pagpatay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.