Nakaisa! Pasok si Robin sa pagkakaisa noong 2022 at malayo nang maulit

0
955

Kasamang ibinandera ng partido pulitikal na “UniTeam” sina Gadon at Roque ngunit parehong natalo ni Robin. Pang-ilan siya? Numero Uno. Anong posisyon? Senador. Makakaulit pa kaya siya sa mga botante sa susunod?

Malabo na.

Napakawalang kwenta ng Robinhood of the Philippine Senate. Sayang na sayang ang ipinangsusuweldo ng taumbayan sa kanya. Kung nanalo sina Gadon at Roque sa Magic 12, mas maganda at pabor para kay Robin; kitang kita ang kababawan ng aktwal na pagtingin ng Pilipinas sa “public office” na dapat sana’y “public trust.” Sa madaling salita, napakahina ng pamantayan sa pagpili ng mga lider sa panahong meron naman talagang mga karapat-dapat mapwesto at handang maglingkod batay sa mga napatunayan at mga nailahad na plataporma kung bibigyan sila ng pagkakataon. Ano ang naging problema? Pagkakaisa… Nakaisa si Robin.

“Hindi naman po ako naniniwala na nanalo ako dahil ako’y si Robin Padilla. Hindi po ‘yan. Huwag po nating paniwalaan ‘yan. Ang paniwalaan natin ay ako po ay nakasama diyan… para isulong ang pederalismo. Iyan po ang asahan ninyo. Hindi po ako diyan magiging bingi, hindi po ako diyan magiging pipi.” Mukhang may sinasabing maganda si Robin diyan. Tumalab ang panawagan sa “right-wing nationalist populist” kung susumahin ang institutional analysis ni La Salle political scientist Julio Teehankee (2016 & 2022) ng post-truth era. Sa madaling salita, magpakasipsip ka kay Duterte, mananalo ka sa eleksyon noon. Perpektong ginawa ni Robin ang pagsipsip.

Heto ang masalimuot niyang pahayag dalawang taon pa lamang ang nakararaan kaya marami nang nagsisising magtiwala sa puro lamang satsat:

“Kung gaano po ako kaingay noong ako’y artista lang, noong wala pong nakikinig sa akin, ito pong lalo na na nagkaroon tayo ng plataporma, nagkaroon po tayo ng sinasabi nating pagtitiwala po ninyo at ako’y iniluklok ninyo, mas marami po tayong masasabi.” (Padilla, 2022)

Puro dakdak na hindi nag-iisip: “Hindi mo maiaalis sa mag-asawa na ang paniwala—lalo kami, ako—meron kang sexual rights sa asawa mo. So halimbawa, hindi mo naman pinipili kung kailan ka in heat. Paano ‘yun kung ayaw ng asawa mo? Walang ibang paraan talaga para ma-ano yung lalaki? So paano ‘yun, mambababae ka na lang ba? Eh ‘di kaso na naman ‘yun!”

Humingi ka ng counselling, mag-Netflix ka na lang, at sermon ang inabot ni Robin kay Atty. Lorna Kapunan doon sa hearing ng Senate Committee on Public Information and Mass Media: “It’s important, ‘yung issue ng mutual respect. If your spouse refuses— whether valid or hindi—respetuhin natin `yung desisyon.”

Hindi lang ang asawang artista na si Mariel Rodriguez-Padilla ang kaawa-awa sa sexist remarks kahit patanong lang ang ginawa ng senador, kundi ang lahat ng kababaihan at umabot na ang kahihiyan sa labas ng bansa at dinala ang pangit na balita ng Radio New Zealand (RNZ) at BBC habang sinusulat ang kolum na ito.

Kung susundan naman ang pahayag ni Mariel bilang suporta kay Robin, batikos din ang inabot ng maybahay dahil sa “insensitivity” sa usapin ng marital rape. Cut. Huwag na nating banggitin dito yung sinabi ni Mariel bilang suporta, bagamat hindi tuwiran, sa mga biktima ng marital rape at pang-aabusong sekswal sa kanila mismong mga tahanan.

Sa paghingi ng paumanhin kinalaunan ni Robin sa mga binitawang salita, nangangahulugan ba ito ng pagputol ng kanyang termino? Halal siya ng mga hindi rin nag-isip na mga botante na umaasang gagawa ng mga makabuluhang batas at pagdinig in aid of legislation si Robin mula 2022 hanggang 2028. Dalawang taon pang magbibingi-bingihan ang ethics committee ng Mataas na Kapulungan at dalawang taon pang “wapakels” ang mga sumuporta sa kanya dahil ang mahalaga sa kanila, nanalo ang manok nila kahit talo ang mga anak at asawa nila sa di-paglilingkod nang maayos, bastos, at masamang ehemplo ng mga kabataan at mga susunod na mambabatas.

O baka naman mula mambabatas, iluluklok pa sa mas mataas na posisyon si Robin? Saan nga ba tayo nagkakaisa? Sa klase ng pagkakaisa, sina Ninoy Aquino, Jose W. Diokno, at Jovito Salonga ay ilan lamang sa nagpatingkad ng paglilingkod nang tapat na tayo mismo ang pumili nang may katinuan habang hawak ang mga balota. Yumao man sila, pangmatagalan ang kanilang ambag sa kamalayan natin sa tunay na pagkakaisa para isulong ang demokrasya, paglaban sa kahirapan at katiwalian, at lalo’t higit pa, ang pagpapamalas sa bawat babae at lalaki na buo ang kanilang karangalan dahil may dangal din tayo at may mga leksyon sa tamang pagpili ng mga pinuno.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.