Alice Guo, nakatakas o nasa Pilipinas pa? – Hontiveros at DOJ magkasalungat ang pahayag

0
134

MAYNILA. Nagdulot ng pagkalito ang magkasalungat na pahayag mula kina Senadora Risa Hontiveros at ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa kalagayan ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na nahaharap sa mga kontrobersyal na kaso.

Ayon kay Senadora Hontiveros, nakalabas na ng bansa si Guo nitong Sabado, Agosto 17, at dumating sa Kuala Lumpur, Malaysia kinabukasan. Sa kanyang talumpati sa sesyon ng Senado noong Lunes, Agosto 19, ipinakita ni Hontiveros ang ebidensyang nagpapakita ng pagdating ni Guo sa Malaysia. Mula roon, nagtungo umano si Guo sa Singapore upang makipagkita sa kanyang ama, ina, at kapatid na si Wesley bago sila tuluyang lumipad patungong China.

“Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan. Para tayong ginisa sa sarili nating mantika,” ayon kay Hontiveros, na nagdududa sa posibleng sabwatan ng ilang opisyal ng gobyerno sa pagtakas ni Guo.

Ngunit taliwas sa impormasyong ito, iginiit ng DOJ na nasa Pilipinas pa rin si Guo. Ayon kay DOJ Assistant Secretary Mico Clavano, walang ulat mula sa Bureau of Immigration (BI) na nagpapakita ng lumabas si Guo sa bansa.

Dagdag pa ni Clavano, naghain pa ng mosyon si Guo noong Agosto 14, 2024, kaugnay ng kanyang kinakaharap na kaso ng human trafficking. Ang mosyon na ito ay isinama sa kanyang counter affidavit na pinanumpaan sa isang notary public. Hinihintay rin ng DOJ ang opisyal na beripikasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matiyak ang pagiging tunay ng mga dokumentong iniharap ng kampo ni Guo.

Patuloy umano ang pagsisiyasat ng Bureau of Immigration at NBI upang makumpirma ang tunay na kalagayan ni Guo sa gitna ng magkasalungat na ulat.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo