SC: Haba ng panahon ng pagkawala ng asawa, batayan upang ipawalang-bisa ang kasal

0
148

MAYNILA. Ipinawalang-bisa ng Korte Suprema ang kasal ng isang ginang matapos mapatunayan na matagal nang hindi umuuwi ang kanyang asawa sa kanilang tahanan nang walang maipaliwanag na dahilan, na itinuturing ng hukuman bilang isang anyo ng ‘psychological incapacity.’

Sa desisyon ng Supreme Court (SC) Second Division, na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, idineklara ng hukuman na walang bisa ang kasal nina Leonora at Alfredo, batay sa hindi kayang gampanan ng lalaki ang kanyang mga tungkulin bilang asawa.

Ikinasal sina Leonora at Alfredo noong Hunyo 1984. Gayunpaman, nagbago ang kilos ni Alfredo at hindi na umuwi ng kanilang bahay, at kalaunan ay nagkaroon pa ng extramarital affair. Noong 1994, tuluyang naghiwalay ang dalawa, at nagpakasal pa si Alfredo sa ibang babae.

Dahil dito, naghain ng petisyon si Leonora upang mapawalang-bisa ang kanilang kasal, ngunit ibinasura ito ng Regional Trial Court (RTC) dahil sa kakulangan umano ng ebidensya. Inapela ito ni Leonora sa Court of Appeals (CA) ngunit muli ring nabigo. Sa huli, iniakyat niya ang kaso sa Korte Suprema.

Sa desisyon ng SC, sinabi nitong ang matagal na hindi pag-uwi ni Alfredo sa kanilang bahay ay malinaw na nagpapakita ng ‘psychological incapacity’ na nagiging dahilan upang hindi niya magampanan ang kanyang mga tungkulin bilang asawa, gaya ng nakasaad sa Article 68 ng Family Code. Nakasaad sa batas na obligadong magsama ang mag-asawa, magpakita ng mutual love, respeto, at katapatan, gayundin ay magtulungan at magbigay-suporta sa isa’t isa.

Dahil dito, idineklara ng Korte Suprema na walang bisa ang kasal nina Leonora at Alfredo.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo