DMW: 17 Pinoy seafarers na binihag ng Houthi rebels, ligtas pa rin

0
84

MAYNILA. Kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na ligtas pa rin ang 17 Filipino seafarers na binihag ng mga Houthi rebels mula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon. Patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas na makipag-ugnayan para sa kanilang posibleng paglaya.

Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas forum, ibinahagi ni Cacdac na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay aktibong gumagawa ng mga hakbang upang masiguradong mapalaya ang mga Filipino crew members ng MV Galaxy Leader. “Tuloy-tuloy ang aming koordinasyon sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at mabilisang paglaya ng ating mga kababayan,” aniya.

Noong Nobyembre 2023, ibinalita ng DFA na 17 Filipino seafarers ang kabilang sa mga dayuhang binihag ng mga Houthi rebels sa isang cargo ship sa southern Red Sea. Ayon pa sa DFA, ang insidente ay may kaugnayan sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hamas.

Ang Houthi rebels ay nagpasimuno ng mga pag-atake sa mga barko sa Red Sea at Gulf of Aden — isa sa mga pinaka-abalang shipping lane sa mundo — bilang pakikiisa sa mga Palestinians sa kasagsagan ng digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza.

Noong Nobyembre 19, isang helicopter ng Houthi ang nag-hijack sa MV Galaxy Leader cargo ship habang ito ay nasa Red Sea. Ang barko ay nilusob ng mga armadong rebelde at kinuha ang 17 Filipino, dalawang Bulgarians, tatlong Ukrainians, dalawang Mexicans, at isang Romanian bilang mga bihag.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo