PAGASA: Dalawang bagyo, nakaambang pumasok sa Pilipinas

0
176

MAYNILA. Dalawang bagyo ang nakaambang pumasok sa bansa sa loob ng susunod na dalawang linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay Benison Estareja ng PAGASA, ang unang namumuong bagyo ay kasalukuyang matatagpuan sa Northern Section ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang ang ikalawang bagyo ay nasa hilagang-silangan bahagi ng bansa. Kapag pumasok na sa teritoryo ng Pilipinas, tatawagin ang unang bagyo na “Ferdie”, at ang ikalawa naman ay papangalanang “Gener”.

Samantala, kahapon ay naranasan ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, pati na rin sa Cordillera Administrative Region (CAR). Sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, patuloy din ang mga pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Enteng.

Inanunsyo rin ng PAGASA na inaasahan pang papasok ang 14 na bagyo mula Setyembre hanggang Disyembre ngayong taon. Patuloy ang paalala ng ahensya na maging handa ang publiko sa mga posibleng epekto ng paparating na mga bagyo.

“Panatilihin nating nakaantabay sa mga weather advisories at sundin ang mga rekomendasyon ng mga lokal na awtoridad para sa kaligtasan ng lahat,” ayon sa pahayag ng PAGASA.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.