Opisyal ng navy, pinatay at iniwan sa sasakyan sa Batangas; 2 suspek arestado

0
410

STO. TOMAS CITY, Batangas. Isang opisyal ng Navy intelligence ang natagpuang patay sa loob ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay San Rafael, lungsod na ito sa Batangas noong Biyernes ng gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, itinago muna ang pagkakakilanlan ng biktima, na sinasabing miyembro ng Navy enlisted personnel. Ang bangkay ng opisyal ay natagpuan ng isang alyas Manuel matapos mapansin ang isang abandonadong silver Toyota Innova na nakaparada sa highway dakong 10:40 ng gabi.

Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likod at katawan, ayon sa mga imbestigador.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Calamba Police, Sto. Tomas Police, at Naval Intelligence Security Group-National Capitol Region (NISG-NCR). Sa operasyon, naharang nila ang isang rent-a-car vehicle na may dalawang sakay sa Turbina tollgate ng Southern Luzon Expressway bandang 7:20 ng gabi nitong Sabado. Nahuli ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Carlo”, 26, isang operations director, at alyas “Jay Maril”, 29, isang supervisor. Pareho silang residente ng Barangay Paria, Calamba City.

Narekober mula sa dalawang suspek ang isang 9mm Glock caliber pistol na service firearm ng biktima, 11 bala ng 9mm, at isang pulang Toyota Vios (plakang DAU-9163).

Ayon kay Lt. Col. Titoy Jay Cuden, hepe ng Calamba Police, “Sa back-tracking investigation at pagrepaso sa ilang nakuhang video footage ng close-circuit television (CCTV) camera na naka-install malapit sa crime site bago at pagkatapos nilang iwanan ang sasakyan na may bangkay ng biktima, natukoy namin ang dalawang posibleng suspek, at tinunton namin ang kinaroroonan ng posibleng safehouse ng mga suspek.”

Patuloy ang imbestigasyon upang mabatid ang motibo sa likod ng krimen at kung may iba pang sangkot sa insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.