IMUS CITY, Cavite. Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG)-Calabarzon nang masabat nila ang 114 kilo ng shabu na may kabuuang halaga na mahigit P775 milyon. Tatlong big-time drug dealer, kabilang ang isang negosyante, ang naaresto sa dalawang magkasunod na buy-bust operation na isinagawa sa lungsod na ito sa Cavite, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, ang unang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEG Special Operations Unit (SOU) 4-A, sa pangunguna ni PLt. Mermel P. Avenilla, katuwang ang PNP-DEG IFLD, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4-A, PDEA-NCR, Regional Intelligence Unit (RIU)-4A, at Imus City Police, bandang alas-6:26 ng gabi sa Lavander St., Brgy. Pasong Buaya II, Imus City.
Naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina Larry Martin Didel, 37-anyos, mekaniko, at Jan Rey Estrella, 26-anyos, may-ari ng isang motor shop. Kapwa sila itinuturing na high-value individuals (HVI) ng pulisya at kilalang big-time drug dealer sa Region 4-A (Calabarzon). Sa buy-bust operation, isang poseur buyer ang nakabili ng 1 kilo ng shabu mula sa mga suspek, at nakumpiska pa sa kanila ang karagdagang 109 kilo ng shabu na may kabuuang halagang P748 milyon.
Nasundan ang operasyon bandang alas-9:58 ng gabi sa Brgy. Buhay na Tubig, Imus City, kung saan nadakip ang isa pang suspek na si alyas “Adie,” isa ring HVI at kilalang big-time dealer ng droga sa lalawigan. Nakumpiska mula sa kanya ang 4 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P27.2 milyon.
Bukod sa shabu na may kabuuang halaga na P775.2 milyon, nakarekober din ang mga awtoridad ng 15 bundles ng tig-P1,000 na boodle money na ginamit sa buy-bust, mga cellphone ng mga suspek na ginagamit sa kanilang illegal na transaksyon, at mga drug paraphernalia.
Ayon kay PDEG Chief Brig. Gen. Eleazar Matta, ilang araw na sinubaybayan ng mga operatiba ang kilos ng mga suspek bago isinagawa ang operasyon. “Gumamit ang aming mga operatiba ng body-worn cameras (BWC) at kasama ang mga kinatawan ng barangay at media upang matiyak ang transparency sa operasyon,” ani Matta.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa iba pang mga kasabwat ng mga nahuling drug dealer.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.