Sunog sa Cavite, mahigit 1,000 pamilya nawalan ng tirahan

0
155

CAVITE CITY. Sumiklab ang malaking sunog sa dalawang residential area sa magkatabing barangay sa Bacoor City, Cavite kahapon, na nagresulta sa pagkatupok ng bahay ng mahigit 1,000 pamilya.

Ayon sa ulat, umabot sa 5th alarm ang sunog na nagsimula bandang 12:05 ng tanghali sa Brgy. Talaba 2 at Brgy. Zapote 3. Dahil sa dikit-dikit ang mga kabahayan, mabilis na kumalat ang apoy at halos walang matakbuhan ang mga residente. Marami sa kanila ang napilitang tumalon sa ilog upang makaiwas sa panganib.

“Napakabilis ng sunog. Wala kaming nagawa kundi tumakbo, tumalon kami sa ilog para lang makaligtas,” ayon sa isa sa mga residente.

Ang sunog ay tumagal ng anim na oras bago tuluyang naapula ng mga bumbero. Kasalukuyan pang inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog.

Ang lokal na pamahalaan ng Bacoor ay agad na nagbigay ng pansamantalang tulong sa mga pamilyang naapektuhan, kabilang ang pagkain at pansamantalang tirahan para sa mga nasunugan. Patuloy ding binabantayan ang sitwasyon upang matiyak na ligtas na ang lugar.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang maiwasan ang ganitong trahedya sa hinaharap.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.