MAYNILA. Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaari nang gamitin ang mga guarantee letters (GL) mula sa kanilang ahensya upang makabili ng gamot sa mga piling botika sa bansa. Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na makatulong sa mga nangangailangan, lalo na pagdating sa kalusugan.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao, “Under the Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, the DSWD has been engaging with selected pharmacies to help poor clients to purchase their medicine needs through the DSWD-issued GLs.”
Ang GL ay isang mahalagang dokumento na iniisyu ng DSWD upang garantiyahan ang pagbabayad ng mga benepisyaryo para sa kanilang mga gamot. Ito ay tumutulong sa mga nangangailangan ng tulong medikal, partikular sa pagbili ng gamot, at naka-address ito sa mga accredited na botika at service provider.
Mga Botikang Tumatanggap ng GL
Sa Metro Manila, ilan sa mga accredited na botika ang:
- Globo Asiatico Enterprises, Inc.
- Onco Care Pharma Corporation
- Urology Med Care, Inc.
- At iba pa, kabilang ang mga miyembro ng Drugstores Association of the Philippines (DSAP).
Tandaan: Ang listahan ng mga botikang tumatanggap ng GL ay maaaring magbago. Para sa mga nasa ibang rehiyon, pinapayuhan ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang local DSWD Field Office para sa kumpletong impormasyon.
Paano Makakakuha ng Guarantee Letter (GL):
- Magpunta sa DSWD Office: Bisitahin ang pinakamalapit na DSWD Central o Field Office, o mga satellite offices.
- Kumpletuhin ang Mga Dokumento: Magdala ng mga kinakailangang dokumento tulad ng:
- Valid ID (kung walang valid ID, pwede ang barangay certification o affidavit of two disinterested persons)
- Medical abstract o reseta mula sa doktor
- Bill o quotation ng gamot mula sa botika
- Proof of indigency mula sa inyong barangay o munisipyo
- Magpa-assess sa Social Worker: Sasailalim ka sa assessment upang malaman kung kwalipikado para sa tulong. Tatanungin ka tungkol sa iyong kalagayan at pangangailangan.
- Paghintay sa Approval: Kung maaprubahan, bibigyan ka ng DSWD ng GL na maaari mong gamitin sa mga accredited na botika.
Paggamit ng GL: Maaaring ipakita ang GL sa mga accredited na botika para makuha ang gamot na kailangan. Siguraduhing tumungo lamang sa mga botikang nasa listahan ng DSWD upang maiwasan ang aberya.
Paalala:
Para sa mas detalyadong impormasyon at kumpletong listahan ng mga botikang tumatanggap ng GL, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong pinakamalapit na DSWD Field Office o bisitahin ang kanilang opisyal na website.
Ang programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ay isa sa mga pangunahing serbisyo ng DSWD na naglalayong tulungan ang mga nangangailangan sa iba’t ibang aspeto tulad ng medical, burial, transportation, education, at financial assistance.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, umaasa ang DSWD na mas maraming Pilipino ang matutulungan at mapagaan ang kanilang mga pinagdadaanan, lalo na sa larangan ng kalusugan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo