DOH nagbabala sa ‘Imported’ na mpox vaccines, publiko pinayuhang maging maingat

0
148

MAYNILA. Nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) laban sa mga “imported” na bakuna laban sa monkeypox o mpox na posibleng ibinebenta na sa bansa. Ayon sa DOH, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa mga indibidwal o organisasyon na nag-aalok ng mga bakunang ito, na diumano ay galing sa ibang bansa.

Pinayuhan ng DOH ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga ganitong bakuna. “They have been brought into the country without the careful attention of regulatory agencies like the DOH and its Food and Drug Administration (FDA),” ayon sa kanilang public health advisory.

Dagdag pa ng DOH, ang mga bakuna sa mpox ay nangangailangan ng maayos na paghawak at pag-iimbak upang masiguro ang kaligtasan at bisa nito. Kung hindi nasunod ang tamang proseso, maaaring mawalan ng bisa ang mga ito.

Samantala, iniulat ng DOH ang pagtaas ng aktibong kaso ng mpox sa bansa na umabot na sa 15 matapos magpositibo ang isang indibidwal noong Miyerkules. Lahat ng kumpirmadong kaso ay nahawahan ng Clade II strain, na mas banayad kumpara sa Clade Ib na kumakalat sa ilang bahagi ng Africa.

Bilang pag-iingat, nagbigay ng mga paalala ang mga health expert sa publiko:

  • Iwasan ang close at intimate, skin-to-skin contact sa mga taong maaaring may mpox.
  • Sumunod sa wastong mga hakbang sa pag-iwas at paggamit ng tamang protective gear kung kailangan makipag-ugnayan sa mga taong may mpox.
  • Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang alcohol-based sanitizer o sabon at tubig.
  • Siguraduhing nililinis at nadidisimpekta ang mga gamit at lugar na maaaring kontaminado ng virus.
  • Iwasan ang pakikisalamuha sa mga hayop, lalo na sa mga posibleng carrier ng virus.

Nagpaalala rin ang DOH na huwag tangkilikin ang hindi rehistradong mga bakuna at magtiwala lamang sa mga awtorisadong institusyon para sa wastong impormasyon at proteksyon laban sa mpox.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo