Estudyante patay matapos barilin ng sekyu sa alitan sa Laguna

0
337

STA. ROSA CITY, Laguna. Patay ang isang 17-anyos na estudyante matapos barilin ng isang security guard sa Nia Road, Barangay Dila, lungsod na ito, nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si JM Bagadiong Dongao, residente ng Southville 4, Barangay Pook, Sta. Rosa City.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang 9:30 ng umaga nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Dongao at ng security guard na si alyas “Andrew,” na naka-assign sa construction site ng isang railway project. Ang dahilan ng alitan ay ang diumano ay madalas na pagtawid ng estudyante sa lugar na ginagawang riles ng tren.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, nalaglag sa putik ang cellphone ng guwardiya at sinipa pa ito ng biktima, na lalong ikinagalit ng suspek. Dahil dito, bumunot ng baril si alyas Andrew at binaril si Dongao, na agarang ikinasawi ng teenager.

Agad namang tumakas ang suspek matapos ang insidente, at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad upang panagutin sa krimen.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.