Bagyong Gener, tumama na sa Isabela; mga lalawigan sa norte, nakaalerto

0
137

MAYNILA. Tumama na ang Tropical Depression Gener sa bahagi ng Alicia, Isabela ngayong Setyembre 17, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Inaasahang tatawirin ng bagyo ang hilagang bahagi ng Luzon ngayong araw.

Huling namataan ang Bagyong Gener sa bisinidad ng Alicia, Isabela, taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro kada oras at may pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras. Ayon sa ulat ng PAGASA, kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa mga sumusunod na lugar: Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, mga hilagang at gitnang bahagi ng Bataan (Dinalupihan, Orani, Hermosa), Aurora, hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar, Infanta) kabilang ang Polillo Islands, hilagang bahagi ng Rizal (Rodriguez, San Mateo), at hilagang bahagi ng Metro Manila (Quezon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City, Navotas City, Marikina City, Manila City, San Juan City, at Mandaluyong City).

Inaasahan ding palalakasin ng Tropical Depression Gener ang southwest monsoon o habagat, na magdadala ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.

Magkakaroon ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Rizal, at Quezon. Samantala, ang Palawan, Occidental Mindoro, Aklan, Antique, at Negros Occidental ay makararanas din ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat.

Ang ibang bahagi ng MIMAROPA, Western Visayas, at Negros Island Region ay makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan, habang ang nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas, kasama ang Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Northern Mindanao, ay magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo