Iniutos ni Pangulong Marcos ang agarang paglikas ng mga Pilipino sa Middle East

0
183

‘Evacuate our people by whatever means’

MAYNILA. Dahil sa tumitinding krisis sa Middle East, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga kaugnay na ahensya ng gobyerno na ihanda ang lahat ng “assets” ng Pilipinas upang ilikas ang mga Pilipino na maaaring maipit sa kaguluhan, sa kahit anong paraan—sa himpapawid man o sa dagat.

Ang agarang utos na ito ay inihayag sa isang online meeting kasama ang mga kasapi ng Gabinete noong Miyerkules, ayon sa Presidential Communications Office. Dumalo sa pulong ang mga pangunahing opisyal, kabilang sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Defense Secretary Gilberto Teodoro, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, at National Security Adviser Eduardo Año.

”We are now going to evacuate our people by whatever means – by air, or by sea,” bilin ni Marcos sa kanyang mga opisyal ng Gabinete, na nagbigay-diin sa pangangailangan ng masusing pagsubaybay sa sitwasyon sa Middle East. Dagdag pa niya, “Just make all the preparations so that all our assets are nearby. Kung may barko tayong kukunin, nandiyan na malapit na sa Beirut, at sa sandaling ang Embahada ay magbigay ng clearance at sabihing maaari nang umalis ang ating mga tao, mailabas na kaagad natin sila upang hindi sila naghihintay ng matagal sa mga delikadong lugar.”

Kumpirmado ni Secretary Teodoro na handa na ang Pilipinas na ilikas ang mga apektadong mamamayan ngunit kasalukuyan pa ring naghihintay ng mga exit clearance mula sa Lebanon. “We’re ready, willing and able [to repatriate Filipinos] at any time. We’re just waiting for the diplomatic clearances of the expatriates to be processed out of Beirut,” sabi niya.

Sinabi ni Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat kay Marcos na isinasagawa ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pagkuha ng mga exit clearance na kinakailangan para sa proseso ng repatriation.

Sa isang talumpati sa meet and greet kasama ang Filipino community sa Laos, kung saan siya ay dumadalo sa ASEAN Summit and Related Summits, tinalakay ni Marcos ang mga patuloy na pag-uusap kasama ang mga kaugnay na opisyal tungkol sa repatriation ng mga Pilipinong naapektuhan ng sigalot sa pagitan ng Israel at Lebanon. “Kaya’t ngayon lang—kanina nga ay pinag-uusapan namin kung paano namin maibabalik ang ating mga kababayan na nandoon sa Lebanon, ‘yung iba ay nasa Israel. Nagigitna—nandoon sila sa lugar na medyo delikado dahil talagang nagkaka-giyera na doon,” ani Marcos.

Tiniyak din ni Marcos na ang kaligtasan ng mga Pilipino sa rehiyon ay nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan. Kamakailan, pinayuhan ang mga Pilipino sa Israel na iwasan ang ilang lugar sa Gitnang Silangan dahil sa tumitinding hidwaan. Nagbomba ang Israel laban sa mga target ng Hezbollah sa Lebanon at sa Gaza Strip bilang tugon sa mga rocket na tumama sa Haifa, sa hilagang Israel, nitong nakaraang weekend.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo