MAYNILA. Umakyat na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa rehiyon ng Bicol dahil sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine, ayon sa Police Regional Office 5 (PRO-5) nitong Huwebes, Oktubre 24. Ayon sa datos ng PRO-5, dalawa pang indibidwal ang nawawala at pito naman ang sugatan sa nasabing bagyo.
Sa ngayon, biniberipika pa ang mga ulat tungkol sa mga nasawi. Samantala, mahigit 119,000 katao o 23,517 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center sa rehiyon. Iniulat din ang malawakang pagbaha sa 722 barangay, kung saan 562 barangay ay mula sa Camarines Sur, sinundan ng Albay na may 74 barangay.
Nakaranas din ng landslides ang 19 lugar sa rehiyon, kabilang ang 10 sa Albay, apat sa Sorsogon, tatlo sa Camarines Sur, at dalawa sa Camarines Norte. Dahil sa masamang panahon, na-stranded din ang 3,257 na pasahero sa mga pantalan matapos makansela ang 26 na biyahe ng barko.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, ang bagyong Kristine ay huling namataan sa bisinidad ng Tumauini, Isabela, na may taglay na hangin na umaabot sa 95 kilometro kada oras at bugso na hanggang 160 kilometro kada oras. Patungo ito sa direksyong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
2 Barko Sumadsad sa Batangas Port Dahil kay Kristine
Bukod sa mga nasawi at nasugatan, dalawang barko ang sumadsad sa pantalan ng Batangas ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 24, dahil sa lakas ng alon at hangin na dala ng bagyong Kristine.
Ayon kay Batangas port manager Joselito Sinocruz, isang domestic cargo vessel ang unang barkong naapektuhan matapos mawalan ng angkla habang nakadaong sa Batangas. Kasalukuyan pang hinahanap ang mga kapitan ng barko. “Parang walang kapitan kaya pumalo ng pumalo diyan sa pier,” pahayag ni Sinocruz sa isang panayam sa TeleRadyo Serbisyo.
Ang pangalawang barko ay isang foreign fuel tanker na kamakailan lamang ay nahuli ng Customs. Ayon kay Sinocruz, kahit walang bagyo, ipinagbabawal ang pagpasok ng fuel tanker sa Batangas port dahil sa dala nitong mga mapanganib na materyales. Nasira rin ang bahagi ng pantalan dahil sa pagbangga ng naturang barko. “Pag pumasok kayo ng port ng Batangas, amoy fuel na po. Sana nga pô ay sana kaunti lang, sana maisalba pa,” dagdag pa niya.
Nanganganib din na tamaan ng barko ang passenger terminal building ng pantalan. Ayon pa kay Sinocruz, “Lumampas na ng rampa ‘yung ating level ng tubig, umabot ng hagdan ng passenger terminal.”
Sa ngayon, mahigit 200 pasahero ang na-stranded sa Batangas port dahil sa bagyong Kristine.
WalangPasok sa Kamara at Senado Dahil kay Kristine
Dahil sa masamang panahon, nananatiling suspendido ang pasok sa Kamara ngayong Huwebes, Oktubre 24. Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, “Only essential personnel as determined by their respective Deputy Secretaries General or the Sergeant-at-Arms shall render service.”
Kasunod nito, inanunsyo rin ng Senado ang suspensyon ng pasok sa kanilang tanggapan. Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., ipinag-utos ni Senate President “Chiz” Escudero ang suspensyon ng trabaho sa Senado. Gayunpaman, inatasan ang ilang kawani na pumasok upang tanggapin ang General Appropriations Bill mula sa Kamara.
Photo credit: Philippine Coast Guard
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.