PBBM, ‘no comment’ sa patutsada ni VP Sara; nagbigay-pugay kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani

0
236

MAYNILA. Tumangging magkomento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte na huhukayin ang labi ng kanyang ama, ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., mula sa Libingan ng mga Bayani kung hindi titigil ang mga batikos laban sa kanya.

Nang tanungin ukol dito, mariing tugon ni Pangulong Marcos, “I’d rather not.” Sa katanungan naman kung lumala na ang kanilang ugnayan ni Duterte, sinabi niyang, “Let’s talk about it some other time.”

Kamakailan ay sinabi ni Duterte na pinahayag niya kay Senador Imee Marcos na huhukayin niya ang labi ng yumaong pangulo at itatapon ito sa West Philippine Sea (WPS) kung hindi titigil ang mga pag-atake laban sa kanya.

Samantala, ngayong Nobyembre 1 ay bumisita si Pangulong Marcos Jr. sa puntod ng kanyang ama sa Libingan ng mga Bayani upang mag-alay ng bulaklak bilang paggunita. Sa kanyang talumpati, inilarawan ni PBBM ang mga katangian ng kanyang ama bilang isang mabuting pinuno at nangakong ipagpapatuloy ang mga adhikain nito para sa ikauunlad ng bansa. Kasama niya ang dating Unang Ginang Imelda Marcos, at idinaos ang isang misa na dinaluhan ng mga tagasuporta ng pamilya Marcos bilang paggunita sa yumaong pangulo, na pumanaw noong Setyembre 28, 1989, at inilibing noong Nobyembre 18, 2016.

Patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang mga hakbang ng mga opisyal na ito, lalo na’t nagbigay ng panibagong kulay sa kanilang relasyon ang naging pahayag ni Duterte.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo