Kasong impeachment isinampa laban kay VP Sara Duterte

0
83

MAYNILA. Isinampa laban kay Vice President Sara Duterte nitong Lunes ng hapon ang isang kasong impeachment sa pangunguna ng mga advocacy group at inendorso ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.

Ang reklamo ay pormal na inihain sa Office of the Secretary General ng House of Representatives ng mga civil society organizations, mga lider ng simbahan, kinatawan ng iba’t ibang sektor, at mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings. Natanggap ito ni House Secretary General Reginald Velasco bandang 4:30 ng hapon kanina.

Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo sina Teresita Quintos Deles, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Robert Reyes, Randy Delos Santos (tiyo ng biktimang si Kian Delos Santos), Francis Aquino Dee, Leah Navarro, Sylvia Estrada Claudio, Alicia Murphy, Sr. Mary Grace De Guzman, at dating Magdalo Rep. Gary Alejano. Kasama rin nila si Mamamayang Liberal Party-list first nominee at dating senador Leila De Lima, na nagsilbing tagapagsalita ng grupo.

Ayon kay De Lima, may 16 na lumagda sa reklamo na nag-ugat sa diumano ay “culpable violations of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, and other high crimes.”

“Ang wala lang na ground for impeachment is treason. So majority of the grounds are present. And there are a total of 24 articles of impeachment as discussed in the 33-page complaint,” pahayag ni De Lima sa mga mamamahayag.

Samantala, binigyang-diin ni Rep. Cendaña ang kahalagahan ng pagkilos para sa pananagutan.
“Today, I formally endorse the first-ever and historic impeachment complaint filed by our citizens against Vice President Sara Duterte. This moment marks a critical juncture in our nation’s demand for accountability,” ani Cendaña.

Dagdag pa niya, dapat ma-impeach si Duterte dahil sa diumano’y pang-aabuso sa kapangyarihan at pagkakasangkot sa katiwalian.
“The entrenched culture of impunity and graft will only be dismantled when those who perpetuate and profit from it are held to account. This impeachment complaint is but a first step,” dagdag niya.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Senate President Francis “Chiz” Escudero, sa kadahilanang sila ay potensyal na magiging “judge” sa kaso.
“No comment nalang ako kasi potential ‘judge’ kaming lahat na senators,” ani Pimentel.

Kinumpirma ng Office of the Secretary General ang pagtanggap sa reklamo at sinabing ang Kongreso ay may obligasyong aksyunan ang anumang impeachment complaint alinsunod sa Saligang Batas ng 1987.

Ang kasong impeachment ay isinampa isang linggo matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Duterte tungkol sa diumano ay pagpapakontrata sa isang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sakaling magtagumpay ang banta laban sa kanya.

Bagamat sinabi ni Duterte na ang kanyang pahayag ay hindi banta at “taken out of logical context,” itinuturing ng mga awtoridad na ito ay isang banta sa Pangulo at isang isyung pangseguridad ng bansa.

Ayon naman kay Pangulong Marcos, hindi siya sang-ayon sa anumang plano ng impeachment laban kay Duterte, dahil hindi umano ito makakatulong sa bayan.

Sa kabila nito, iginiit ni De Lima na ang impeachment ay isang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas at isang pagkilos na pinasimulan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang sektor.
“Talagang desisyon ito ng mga indibidwal na mga nag-file coming from various groups,” ani De Lima.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.