MAYNILA. Muling nagpakita ng bangis ang Bulkang Kanlaon matapos itong sumabog nitong Lunes ng hapon, Disyembre 9, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Dahil sa pag-aalburoto ng bulkan, itinaas ng PHIVOLCS ang alerto nito sa Alert Level 3, na nangangahulugang mayroong aktibidad na magmatic eruption na maaaring humantong sa mas malalakas pang pagsabog.
Ayon sa PHIVOLCS, ang pagsabog ay naganap bandang 3:03 ng hapon sa summit vent ng bulkan. Nakapagtala ang ahensya ng isang makapal na usok na umabot sa taas na 3,000 metro.
“Pyroclastic density currents or PDCs descended the slopes on the general southeastern edifice based on IP and thermal camera monitors,” ayon sa PHIVOLCS. “This means magmatic eruption has begun that may progress to further explosive eruptions.”
Inabisuhan ng PHIVOLCS ang mga local government units (LGUs) na agarang ilikas ang mga residente sa loob ng six-kilometer radius danger zone mula sa tuktok ng bulkan. Pinaghahanda rin ang mga awtoridad sa posibilidad ng karagdagang evacuation kung magtutuloy-tuloy ang pag-aalburoto nito.
Paliwanag ni PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas, ang pagsabog ay “brief but strong.”
“Sa kasalukuyan ay tumigil ang eruption. Isa po siyang malakas but a brief explosive eruption,” aniya.
Patuloy na mino-monitor ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon. Pinapaalalahanan ang publiko na sumunod sa mga babala at iwasang pumasok sa peligroso o malapit na lugar ng bulkan.
Ang Bulkang Kanlaon, na matatagpuan sa Negros Island, ay isa sa mga pinakaaktibong bulkan sa bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo