Korte nagpalabas ng gag order sa cyber libel case nina Vic Sotto at Darryl Yap

0
40

MAYNILA. Inatasan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 ang parehong kampo nina Vic Sotto at filmmaker Darryl Yap na huwag pag-usapan sa publiko ang nilalaman ng kanilang mga kaso kaugnay ng cyber libel at iba pang kaugnay na usapin. Ito ay matapos aprubahan ng korte ang urgent motion ni Yap para sa gag order na inihain noong Enero 10.

Ayon sa inilabas na Omnibus Order nitong Lunes, Enero 13, “The Petitioner and any person acting for and on behalf of the petitioner are enjoined from publicly disclosing or discussing the contents of the verified return to be submitted by the respondents in this case, as well as any matters learned from the proceedings of this case.”

Dagdag pa rito, inatasan ng korte ang lahat ng partido na magpanatili ng mahigpit na kumpidensyalidad alinsunod sa sub judice rule. “All parties are directed to observe strict confidentiality in compliance with the sub judice rule, ensuring that the case proceedings and any related matters remain undisclosed to the public until resolved,” saad ng kautusan.

Ayon kay Atty. Raymond Fortun, abogado ni Yap, naghain sila ng motion upang maiwasan ang anumang pahayag mula sa kampo ni Sotto na maaaring makasira sa reputasyon ng kanilang kliyente at sa pelikulang hindi pa naipalalabas. Nakumbinsi ang korte na ang paglalabas ng impormasyon ay maaaring makaapekto sa resulta ng nasabing pelikula.

“The lawyers’ statements may cause to misrepresent the court’s orders and could prejudice public perception. Ultimately, the court’s priority would be to protect the fair administration of justice and prevent undue influence on the judicial processes,” dagdag pa sa kautusan.

Sinampahan ni Sotto si Yap ng 19 counts ng cyber libel matapos mabanggit ang pangalan ng aktor sa teaser ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.” Kasabay nito, naghain din ang kampo ni Sotto ng petition para sa writ of habeas data na layong protektahan ang pribadong impormasyon kaugnay ng isyu.

Sa kautusan ni Presiding Judge Liezel Aquiatan, inutusan ang kampo ni Sotto na magkomento sa loob ng tatlong araw kaugnay ng motion for consolidation na inihain ni Fortun. Layunin ng motion na pagsamahin ang petition para sa writ of habeas data at ang criminal complaint ni Sotto alinsunod sa Supreme Court Circular 08-1-16-SC.

Nilinaw din ng korte na hindi pa nito iniuutos ang pag-aalis ng anumang materyales na may kaugnayan sa pelikula. “The petitioner mistakenly believed that the issuance of the writ already constituted the granting of the relief sought in their petition for a writ of habeas data,” saad sa kautusan.

Ipinaliwanag pa ng korte na ang writ of habeas data ay bahagi lamang ng procedural directive upang magsumite ng verified return ang kampo ni Yap. Ang aktwal na desisyon ukol sa hinihinging relief ay didinggin pa. “The actual relief prayed for in the petition will only be considered and resolved after the court conducts a proper hearing to assess the merits of the case,” dagdag pa ng korte.

Samantala, ang pagdinig na orihinal na itinakda sa Enero 15 ay inilipat sa Enero 17.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.