5 milyong Pilipino nanganganib maging tambay dahil sa epekto ng AI at climate change

0
43

MAYNILA. Tinatayang 5 milyong Pilipinong manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho ngayong taon dahil sa pag-usbong ng artificial intelligence (AI) at mga epekto ng pagbabago ng klima, ayon sa Federation of Free Workers (FFW).

Batay sa ulat ng International Monetary Fund (IMF) noong Disyembre 2024, tinatayang 14% ng kabuuang workforce sa bansa ang nasa panganib na mapalitan ng AI. Dagdag pa rito, inaasahang mawawala ang 2.3 milyong trabaho dahil sa pinsalang dulot ng mga bagyo sa sektor ng agrikultura at iba pang industriya ngayong taon.

Ayon sa IMF, 36% ng mga trabaho sa Pilipinas ay may mataas na exposure sa AI. Higit sa kalahati ng mga ito ay itinuturing na “highly complementary,” kung saan ang AI ay maaaring magsilbing katuwang ng manggagawa sa halip na palitan ang kanilang mga tungkulin. Subalit para sa mga “low-complementarity jobs,” 14% ng workforce ang direktang nasa panganib na maalis dahil sa teknolohiya.

Nagpapakita rin ang ulat ng pagkakaiba sa epekto ng AI batay sa kasarian. Lumalabas na kalahati ng mga trabaho ng kababaihan ay “highly exposed” sa AI, kumpara sa isang-kapat lamang ng mga trabaho ng kalalakihan.

Ayon kay Julius Cainglet, Vice President for Research, Advocacy, and Partnerships ng FFW, ang mga naapektuhan na ng mga nagdaang bagyo, partikular sa sektor ng agrikultura, ay malaki ang posibilidad na muling maapektuhan.

“Dapat nating pagtibayin ang mga maagap na hakbang para maihanda ang ating workforce. Mahalaga rin ang mas matibay na social dialogue sa pagitan ng gobyerno, mga manggagawa, at mga employer upang mapaghandaan ang mga hamon, kabilang ang heat stress na inaasahang lalala sa mga susunod na buwan,” ani Cainglet.

Hinikayat din ng FFW ang mga kaukulang ahensya na magpatupad ng mga programang magbibigay ng proteksyon at oportunidad sa mga manggagawang maaapektuhan ng makabagong teknolohiya at climate change.

Featured Image: Robot ordering the human out https://cdn-images-1.medium.com/max/800/1*GQm0ZlcZVltBd_9XwJGyNw.jpeg

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.