Buy-bust operation sa Laguna nauwi sa engkuwentro: 1 patay, 4 arestado

0
76

CALAMBA CITY, Laguna. Isang buy-bust operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) ang nauwi sa barilan, na ikinasawi ng isang suspek at pagkakadakip ng apat pa nitong kasamahan sa parking lot ng isang gasolinahan sa Barangay Turbina, lungsod na ito kahapon ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni Police Major Joven Manalansan, OIC ng RPDEU, isinagawa ang operasyon bandang alas-1:55 ng madaling araw sa tulong ng Calamba Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Flying V Gasoline Station.

Napansin umano ng mga suspek na mga pulis ang kanilang katransaksyon, kaya’t sila ang unang nagpaputok, na nauwi sa ilang minutong engkuwentro. Isa sa mga suspek na nakilala sa alyas na “Mark” ang nasawi habang naaresto ang apat na iba pa na sina alyas Princess, Kevin, Awen, at Ron, na kabilang sa listahan ng mga high-value individual (HVI) ng pulisya.

Samantala, isang 6-anyos na batang lalaki, na anak ng napatay na suspek, ang kasama sa operasyon ngunit ligtas mula sa insidente. Kasalukuyan siyang nasa pangangalaga ng Violence Against Women and Their Children (VAWC) unit ng barangay.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang malaking plastic na may lamang higit 2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱13,600,000, isang ziplock na may lamang marijuana o kush, tatlong baril: isang Glock 9mm pistol, isang Colt Cal. 45 pistol, at isang Glock 23 Gen 4 Cal. 40 pistol, kasama ang mga magazine at bala, apat na cellphone at isang Toyota Vios (NIT 9614) na ginamit ng mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente upang matukoy ang iba pang posibleng kasabwat ng grupo.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.