Kandidatong congressman sa Laguna inaresto

0
193

CALAMBA CITY, Laguna. Dinampot ng mga awtoridad ang isang negosyante na tumatakbo bilang kongresista sa Calamba City, Laguna para sa 2025 midterm elections habang dumadalo sa isang pagdinig sa Municipal Hall of Justice nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang inarestong suspek na si Eugiene Salom, 37, alyas “Gino,” na mas kilala sa bansag na “Batang Calamba” ng kanyang mga tagasuporta. Ayon kay Lt. Col. Victor Sobrepeña, hepe ng Calamba Police Station, hindi na nanlaban si Salom nang siya’y arestuhin bandang 9:30 AM sa harap ng Municipal Trial Court, Branch 3 sa Barangay Real, Calamba City.

Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Krisandra Ann Del Mundo Malalauan, acting presiding judge ng MTC, Branch 3, Fourth Judicial Region, Calamba City noong Enero 30, 2025. Inakusahan si Salom ng paglabag sa Batas Pambansa Bilang 22 o Bouncing Checks Law.

Batay sa ulat ng pulisya, si Salom ay nakalista bilang Number 8 City Level Most Wanted Person, at may itinakdang piyansang ₱120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

“Nasa kustodiya na natin ang akusado at sumasailalim sa booking procedure,” ayon kay Sobrepeña. Matapos ang proseso, agad namang nagpiyansa si Salom upang makalaya pansamantala.

Samantala, sa isang panayam sa telepono, mariing itinanggi ni Salom ang paratang laban sa kanya at iginiit na ang pag-aresto sa kanya ay bahagi ng “maruming pulitika.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.