3 oras na hostage drama sa mall sa Lipa City, tinapos ng pulisya! Suspek arestado

0
51

LIPA CITY, Batangas. Isang kahera ng isang gadget store sa loob ng isang mall sa Lipa City ang hinostage ng isang lalaking nagpanggap na kustomer sa loob ng tatlong oras noong Martes, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ang biktima na si Jeremy Morta, 25-anyos, cashier-saleslady ng Asianic Gadget store. Matapos siyang ma-rescue, agad siyang dinala sa San Antonio Medical Center upang ipasuri ang kanyang kondisyon.

Samantala, nasugatan naman sa operasyon si Lt. Col. Rix Villareal, hepe ng Lipa City Police, matapos magtamo ng sugat sa kanang kamay. Siya ay isinugod sa Lipa Medix Medical Center para sa agarang lunas.

Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Police, dumating ang suspek na si Alvin Bayta, 28-anyos, sa gadget store bandang alas-4:00 ng hapon at agad na dinamba ang biktima sa braso habang tinutukan ng matalim na bagay.

Habang hawak ang biktima, naglakad ang suspek palabas ng store at bumaba sa escalator. Dito na nakakuha ng tiyempo ang grupo ni Villareal upang sumalakay at arestuhin ang hostage taker. Matagumpay nilang nasagip si Morta bandang alas-6:40 ng gabi.

Si Bayta ay sinampahan ng kasong Serious Illegal Detention at Violation of the Omnibus Election Code dahil sa ilegal na pagdadala ng patalim.

Pinuri naman ng mga awtoridad ang mabilis na pagtugon ng pulisya na nagresulta sa ligtas na paglaya ng biktima at pagkakaaresto ng suspek.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.