MAYNILA. Tinututukan na ng administrasyong Marcos ang paglaban sa mga vloggers na nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa gobyerno. Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Jay Ruiz, bahagi ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang masugpo ang lumalaganap na fake news sa bansa.
“Dapat magsabi sila ng totoo sa kanilang ipinapahayag at hindi kung anu-ano lang ang sinasabi para paniwalain ang mga tao at makakuha ng maraming viewership,” giit ni Ruiz.
Dagdag pa niya, maraming kasalukuyang kumakalat na kasinungalingan at impormasyong walang basehan, dahilan kung bakit lalo pang palalakasin ng PCO ang public information campaign upang maipabatid sa publiko kung alin ang katotohanan at kung alin ang fake news.
Ayon sa PCO, natatabunan ang mga programa at inisyatibo ng administrasyon dahil sa mga grupong patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon upang siraan ang gobyerno. Dahil dito, isa sa magiging pangunahing tungkulin ng PCO ang pagbabantay at pagsugpo sa fake news upang maisulong ang katotohanan sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo