MAYNILA. Ipinatawag ng Commission on Elections (Comelec) ang isang beauty contestant mula sa isang noontime show matapos nitong umaming wala siyang alam tungkol sa ahensya.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nakatakdang dumating bukas, Marso 4, ang 20-anyos na contestant mula Pampanga upang pag-usapan ang isyu.
Sa naturang palabas, tinanong ng host ang kalahok kung ano ang mensahe niya para sa Comelec. Sumagot naman ito ng, “I’m sorry po, hindi ako masyadong knowledgeable sa Comelec,” at inamin ding hindi pa siya nakaboboto.
Sa kabila ng negatibong reaksyon sa social media, pinili ng Comelec na tingnan ito bilang isang pagkakataon upang palakasin ang edukasyong panghalalan.
“We fully understand her. Maaaring madami pa na katulad niya na kabataan o mga Filipino. It is our solemn duty to explain who we are and what we are doing,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, “If she is converted as a believer, then we can perhaps do the same for others. Voter education is the key.”
Aminado rin si Garcia na may pagkukulang ang Comelec sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang tungkulin. “For our full understanding as to why. It is our failure. We have to immediately rectify,” aniya.
Samantala, nag-trending ang insidente sa social media, kung saan umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko—may mga tumutuligsa habang ang iba naman ay nanawagan ng mas malawak na kampanya sa pagbibigay-kaalaman tungkol sa kahalagahan ng pagboto.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.