MAYNILA. Posibleng tumestigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas, ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti.
Ayon kay Conti, maaaring maging mahalaga ang kanilang testimonya sa pag-uugnay kay Duterte sa Davao Death Squad (DDS). Si Matobato, isang umamin na hitman, ay naglahad ng mga pagpatay na umano’y iniutos ni Duterte, kabilang na ang insidente kung saan isang kidnapper umano ang ipinakain sa buwaya.
Samantala, si Lascañas, isang dating pulis, ay una nang itinanggi ang koneksyon ni Duterte sa DDS ngunit kalaunan ay umamin na may basbas ng dating pangulo ang mga operasyon at may bayad sa bawat pagpatay.
Noong 2024, inamin mismo ni Duterte sa Senado na may death squad siya, na lalong nagbigay ng bigat sa mga alegasyon laban sa kanya. Sa ngayon, si Matobato ay nasa proteksyon ng ICC, habang si Lascañas naman ay nabigyan ng limitadong immunity.
Patuloy na inaabangan kung ano ang magiging epekto ng kanilang mga testimonya sa imbestigasyong isinasagawa ng ICC laban kay Duterte.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.