MAYNILA. Nilinaw ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na walang umiiral na travel advisory laban sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa US Department of Homeland Security, matapos kumalat sa social media ang isang larawan ng umano’y security advisory.
Ayon sa NNIC, ang larawang kumalat ay mula sa isang luma at hindi na valid na abiso. Binanggit sa abiso na ang larawan ay isang security advisory na inilabas pa noong Disyembre 2018 at tinanggal na noong Agosto 2019. Aniya, ang abiso ay aksidenteng naibalik ng isang airline at agad na tinanggal mula sa kanilang platform.
Inihayag ng NNIC na nakipag-ugnayan sila sa US Transportation Security Administration (TSA) upang linawin ang usapin, at kinumpirma nila na walang travel advisory na ipinatutupad sa NAIA.
“The advisory shown in the image was issued in December 2018 and was rescinded in August 2019… The image is outdated and was accidentally reposted by an airline. It has already been taken down,” saad sa abiso.
Ayon pa sa NNIC, nagsasagawa ang TSA ng regular na security assessments sa NAIA tuwing anim na buwan. Ang pinakahuling pagsusuri, na ginawa noong Pebrero 2025, ay nagpakita ng mga malaking pagpapabuti sa seguridad ng paliparan at ito rin ang kauna-unahang pagsusuri mula noong 2019 na walang bagong isyu na natuklasan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo