MAYNILA. Sugatan si self-confessed drug lord at tumatakbong alkalde ng Albuera, Leyte na si Roland ‘Kerwin’ Espinosa matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nasa gitna ng kanyang kampanya nitong Huwebes.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa loob ng gymnasium sa Barangay Tinag-an habang naghihintay si Espinosa ng pagkakataong makapagsalita sa isang campaign rally. Nakaupo umano siya nang biglang pagbabarilin ng isang armadong lalaki na hinihinalang nasa kisame ng gusali.
Tinamaan si Espinosa sa tagiliran at agad isinugod sa isang ospital sa Ormoc City. Dalawa pa ang nadamay sa pamamaril, kabilang ang isang menor de edad, ayon sa pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng “the gunman accessed the ceiling area to carry out the attack,” ayon sa isang opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Nakahanda na raw magsalita si Espinosa sa harap ng mga taga-suporta nang mangyari ang insidente. “He was already in position to deliver his speech when the shots were fired,” dagdag ng source.
Hindi pa malinaw ang motibo sa likod ng pamamaril at wala pang nahuhuling suspek sa ngayon. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang totoong layunin sa krimen.
Si Espinosa ay isa sa mga kontrobersyal na personalidad na unang pumutok sa publiko noong administrasyong Duterte, matapos umaming sangkot siya sa operasyon ng ilegal na droga.
Patuloy ang pagbabantay ng publiko sa magiging takbo ng kaso habang nananatiling kritikal ang isyu ng seguridad sa panahon ng halalan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.