Tumanggi ang ICC sa hiling ng kampo ni Duterte na higpitan ang verification process ng mga biktima sa war on drugs probe

0
44

MAYNILA. Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) pre-trial chamber ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na higpitan ang proseso ng pag-verify sa mga biktimang nais lumahok sa imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na “war on drugs.”

Sa 20-pahinang kautusang inilabas noong Abril 17, inaprubahan ng ICC pre-trial chamber ang iminungkahing listahan ng mga dokumento mula sa ICC Registry na maaaring gamitin upang beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga aplikanteng biktima. Ayon sa chamber, sapat na ang detalyeng ibinigay ng Registry sa bawat dokumento, kabilang na ang sample format, upang magsilbing patunay ng identidad ng mga aplikante.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng chamber na iminungkahi ng Registry ang pagtanggap ng isang deklarasyon na pirmado ng dalawang saksi, kalakip ang kanilang mga pagkakakilanlan, bilang patunay ng identidad ng aplikante o kaugnayan nito sa isang biktima, sa mga kasong walang sapat na “standard identification documents.”

Umapela naman si Nicholas Kaufman, abogado ng depensa ni Duterte, na hindi patas ang ganitong sistema. Tinuligsa niya ang paggamit ng tinatawag na “non-sequential” list ng ID formats mula sa Registry, na aniya’y “hindi makatarungan” para sa akusado.

Sa kasalukuyan, may hindi bababa sa 43 kaso ng umano’y extrajudicial killings na iniuugnay sa Davao Death Squad at mga operasyon ng pulisya noong administrasyon ni Duterte. Ang mga ito ang bumubuo sa kaso ng crimes against humanity na hinaharap ng dating pangulo.

Binigyan ng ICC pre-trial chamber ang prosekusyon ng palugit hanggang Hulyo 1 upang isumite ang lahat ng ebidensyang ihaharap laban kay Duterte. Ang mga ebidensyang ito ay magsisilbing batayan sa kumpirmasyon ng pagdinig ng kaso na nakatakda sa Setyembre 23.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.